-- Advertisements --

Nanumpa na si Atty. Melvin Matibag bilang bagong direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), ayon sa anunsyo ng Malacañang nitong Huwebes, Pebrero 20.

Papalitan ni Matibag si Atty. Angelito Magno, na nagsilbing acting NBI chief matapos magbitiw si dating NBI director Jaime Santiago noong nakaraang taon.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na wala siyang ibinigay na detalye kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa pamunuan at kung kailan eksaktong manunungkulan si Matibag.

Ayon kay Castro, nakita umano ng Pangulo na mapagkakatiwalaan si Matibag at may kakayahang maglingkod sa pamahalaan.

Si Matibag ay nagsilbing Cabinet secretary ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at naging secretary-general ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Nagbitiw siya sa partido noong Oktubre 2023. Naging general manager din siya ng Manila International Airport Authority at presidente at chief executive officer ng National Transmission Corporation.

Samantala, pinabulaanan naman ng Palasyo ang kumakalat na balita na papalitan si Ariel Nepomuceno bilang commissioner ng Bureau of Customs.

Ayon kay Castro, hindi totoo ang dokumentong umiikot online at ipasasailalim ito sa imbestigasyon ng NBI upang matukoy ang pinagmulan ng umano’y pekeng impormasyon.

Nanumpa si Nepomuceno bilang Customs chief noong Hunyo 30, 2025.

Sa ngayon, wala pa umanong update kung magtatalaga ang Pangulo ng bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources matapos muling ma-bypass ng Commission on Appointments ang nominasyon ni Raphael Lotilla.