-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi naitago ang kalungkutan ng ilang magsasaka sa bayan ng Camalig, Albay matapos mapinsala ang kanilang mga pananim dahil sa ashfall mula sa pag-alburoto ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Leila Guiriba, isang magsasaka sa nasabing lugar na nakapanayam ng Bombo Radyo Legazpi, kabilang sa mga apektadong pananim ang mga gulay tulad ng sitaw, petsay, at iba pa. Wala na silang maani dahil karamihan ay nasira na, habang ang iba naman ay tuluyan nang namatay.

Aniya, nakita na lamang nila ang mga gulay na nababalot ng kulay puti dahil sa makapal na abong ibinubuga ng bulkan.

Dahil dito, pansamantala nilang naging alternatibo ang pagtatayo ng maliit na tindahan upang kahit papaano ay may mapagkukunan ng gastusin para sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Dagdag pa niya, nakakatanggap din sila ng pagkain at cash assistance mula sa pamahalaan.

Samantala, nanawagan si Guiriba na matulungan silang makabangon mula sa matinding epekto ng aktibidad ng nasabing bulkan.