LEGAZPI CITY – Nakakaranas na ng iba’t ibang karamdaman ang ilang inilikas na residente sa Tabaco City, Albay dahil sa patuloy na pag-ulan at malamig na temperatura.
Ayon kay Tabaco City Health Officer Dr. Leizel Cuales Duncan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, wala pa namang dapat ikabahala ang publiko dahil maayos namang napamamahalaan ang sitwasyon.
Batay sa tala, mula sa 1,786 evacuees sa lungsod, 25 katao pa lamang ang nagpakonsulta sa kanilang tanggapan.
Kadalasang sakit na naitala ay hypertension, ubo, at sipon. Kaugnay nito, ipinag-utos ng alkalde ng lungsod ang paghahanda ng flu vaccine bilang karagdagang proteksyon sa kalusugan ng mga evacuees sa gitna ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Samantala, nagbabala si Dr. Duncan na ugaliing magsuot ng facemask dahil posibleng ma-trigger ang asthma lalo na kung magkakaroon ng ashfall at iba pang aktibidad ang bulkan.
Tiniyak din ng opisyal na 24/7 bukas ang mga clinic sa loob ng evacuation centers upang agad na makapagbigay ng serbisyong medikal.














