-- Advertisements --

Pumalo na sa 13 katao ang nasawi habang umabot naman sa 1,529 ang kabuuang kaso ng dengue na naitala sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Provincial Health Office Sanitary Engineer at Consultant Engr. William Sabater sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga binawian ng buhay ay mga bata na critical condition na nang madala sa pagamutan.

Binigyang-diin ng opisyal na dapat mas mahigpit ang obserbasyon sa pasyente kapag nawala na ang lagnat nito dahil dito kadalasang lumalabas ang mga komplikasyon.

Ipinaliwanag niya na dapat agad kumonsulta sa doktor kung makaranas ng mataas na lagnat sa loob ng dalawa hanggang pitong araw, panghihina, pananakit sa ilalim ng mata, at paglitaw ng mga pantal sa katawan.

Naglaan na ang Albay Provincial Health Office ng mga libreng dengue test kit na maaaring makuha sa mga health center sa buong lalawigan.

Dagdag pa ni Sabater, may posibilidad na magdeklara ng State of Calamity ang Albay upang magamit ng lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund para sa mga kinakailangang aksyon sa mga barangay.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang Dengue Information Caravan ng PHO sa iba’t ibang munisipalidad upang turuan ang mga mamamayan sa pag-iwas at pagkontrol sa pagkalat ng naturang sakit.