-- Advertisements --

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang House Bill No. 04745 o ang “Last-Mile” Education bill na naglalayong magtayo ng mga pampublikong paaralan sa mga malalayong komunidad at lugar na may labanan o ang conflict-affected areas.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, isa sa mga may-akda ng panukala, tugon ito sa hirap na dinaranas ng mahigit 2.5 milyong mag-aaral na kailangang maglakad ng hanggang apat na oras para lamang makapasok sa eskwela.

Sa ilalim ng panukalang ito ni dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez, inaatasan ang DepEd na magtayo ng mga paaralan, kumuha ng sapat na guro, at gumawa ng mga kalsada patungo sa mga naturang eskwelahan.

Nanawagan ang mga mambabatas sa Senado na madaliin ang pagpasa sa naturang bill upang matiyak na wala nang batang maiiwan sa edukasyon dahil lamang sa layo ng kanilang tirahan.

“You cannot rebuild communities if children cannot get to school. This law integrates education into long-term recovery and development planning,” pahayag ni Adiong.