-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Iprinisenta ng Police Regional Office o PRO-13 kay acting Philippine National Police (PNP) chief PLt Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang 50 mga “friends rescued” (FR) o mga dating rebeldeng New People’s Army (NPA) na ngayon ay nasa ilalim na ng batas.

Isinagawa ito sa command visit ng heneral sa Camp Rafael Rodriguez sa lungsod ng Butuan na isinabay din sa blessing at turnover ceremony ng ilang pasilidad at kagamitan ng PRO-13.

Iprinisenta rin kay General Nartatez ang kabuuang 48 iba’t ibang mga armas at bilang paunang tulong, binigyan silang lahat ng tig-iisang sako ng bigas, habang ang mga nagbalik-loob sa ilalim ng probinsyal na pamahalaan ng Agusan del Sur ay binigyan din ng tig-₱10,000 cash upang mayroon silang personal na magamit.

Ayon kay General Nartatez, ang pagtanggap at pagtulong sa mga FRs ay bahagi ng development package program ng pamahalaan para sa mga komunidad at miyembro nito, upang mabigyan sila ng trabaho, pati na rin ng paunang puhunan para sa kanilang kabuhayan at tulungan sa kanilang pabahay.