Bumuwelta si Senator Rodante Marcoleta kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Panfilo Lacson kasunod ng inilabas ng minorya ng Senado na ‘Minority Report’.
Una kasing tinawag ni Sen. Ping na isang pambabastos sa Blue Ribbon Committe at sa mataas na kapulungan ang ginawa ng minorya na paglabas ng naturang report, lalo at hindi pa nakakapaglabas ang naturang komite ng sariling committee report.
Binigyang-diin pa ni Lacson na ang pinakamainam na lugar para sa naturang report ay patungo sa basurahan.
Ayon naman kay Sen. Marcoleta, dapat ay basahin muna ng Blue Ribbon chair ang nilalaman ng naturang report bago niya ito tawaging basura.
Katwiran ng Senador, hindi masama ang ginawa nilang paglabas ng report, lalo na at hindi rin naglalabas ang naturang komite ng sarili nitong ulat, gayong dati nang nangako ang chairman na maglalabas ng partial report
Tanong ng Senador, kailan makakakita ang mga Pilipino ng aktwal na kopya ng ulat ng Blue Ribbon Committee, gayong ilang hearing na ang naisagawa mula pa noong nakalipas na taon.
Paliwanag pa ng Senador, ang paglabas ng minorya ng sarili nitong ulat ay upang itulak ang komite na maglabas man lang ng partial report matapos ang mahaba-habang serye ng mga pagdinig.
Binalikan din ni Marcoleta ang unang tatlong hearing na kaniyang ginawa sa loob ng maikling panahon na siya ay naging chairman ng makapangyarihang komite.
Aniya, ang laman ng minority report ay mula sa tatlong pinakaunang hearing na kaniyang inupuan at sa tatlong sumunod na hearing na pinangunahan ni Sen. Lacson bilang sumunod na chairman.
Kung ituturing aniya ni Sen. Lacson na basura ang naturang report, mistulang sinasabi na rin aniya ng kaniyang kapwa Senador na basura ang unang tatlong pagdinig na kaniyang pinangunahan.
















