Nagbanta si Senador Rodante Marcoleta ng pagdemanda ng treason kay dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Ito ay may kaugnayan sa desisyong isinulat ni Carpio bilang ponente sa kaso ng Magallona vs. Ermita noong 2011, na nagpapatibay sa Republic Act No. 9522, ang batas na nag-amyenda sa Philippine Baselines Law.
Ayon sa Senador, ang naturaang ruling na pumabor sa gobyerno, ay epektibong naglimita sa saklaw ng ating bansa sa halip na palawigin ang ating teritoryo.
Aniya, isinuko umano ng retiradong mahistrado ang 242,000 square nautical miles ng territorial sea ng ating bansa.
Sa ilalim ng naturang desisyon, ikinatuwiran ng mga petitioner, na binubuo ng mga abogado at law professor, na nilabag ng RA 9522 ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pagbawas sa teritoryo ng bansa, at ginawang archipelagic waters ang internal waters at nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.
Subalit, tinutulan ng Korte Suprema ang petisyon, at iginiit na hindi binawasan ng batas ang hangganan ng ating teritoryo.
Sa katunayan, nadagdagan umano ito, kung saan mula sa dating batas na RA 3046, sinusunod ng bansa ang rectangular lines saklaw ang area na 440,994 square nautical miles. Subalit sa ilalim ng RA 9522, at pagkakasama ng exclusive economic zone, tumaas ang saklaw ng ating maritime area sa 582,210 square nautical miles.















