Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi bibigyan ng special treatment si Senador Rodante Marcoleta.
Ayon kay BJMP spokesperson Jsupt. Jayrex Bustinera, walang sinumang person deprived of liberty (PDL) ang bibigyan ng VIP treatment sa ilalim ng kanilang kustodiya.
Kinumpirma rin ng BJMP na nasa kustodiya na ng Quezon City Jail Male Dormitory ang senador kaninang alas-10:49 ng umaga ngayong Miyerkules, Hulyo 15.
Ang paglipat kay Marcoleta sa QC jail ay alinsunod sa utos ng Sandiganbayan matapos sabihin ng mga doktor ng UP-Philippine General Hospital na walang dahilan para manatili pang naka-hospital arrest ang senador.
Kasalukuyang nahaharap ang senador kasama ng tatlo pa sa kaniyang kapwa-akusado sa kasong plunder dahil sa umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations.















