Iginiit ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maaari lamang ma-apply o makagawa ng treason kung ang estado ay nasa panahon ng giyera o digmaan.
Ito ang naging kasagutan ng retiradong mahistrado matapos magbanta si Senador Rodante Marcoleta ng pagdemanda sa kaniya ng treason kaugnay sa kaniyang isinulat na desisyon noong 2011.
Saad pa ng dating SC justice na maging first year law student ay alam na hindi maaaring magawa ang treason o pagtataksil sa panahon na mapayapa o walang digmaan. Giit ni Carpio, maaari lamang makagawa ng treason kung ang Pilipinas ay nasa giyera, na malinaw na nakasaad sa Article 114 ng ating Revised Penal Code.
Sa kaso ng Magallona vs. Ermita, ipinaliwanag ni Carpio na nais ng kampo ni Magallona na maisama bilang teritoryo ng Pilipinas ang lahat ng isla at lahat ng katubigang nakapaloob sa 1898 treaty of Paris lines. Subalit, ayon kay Carpio, malinaw na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at nakaugaliang international law ang pagsama sa territorial waters ng Pilipinas ng lagpas na sa 12 nautical miles.
Giit pa ni Carpio na kung pinagtibay ng gobyerno ang argumento ng Magallona et al, posibleng ibinasura ng Arbitral Tribunal ang kaso ng gobyerno ng Pilipinas laban sa China.














