Binatikos ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima ang umano’y mistulang pangangalaga ni Senador Rodante Marcoleta sa interest ng China.
Ayon kay De Lima, sa halip na kumampi sa Pilipinas ang bagitong senador ay tila mas pumapabor pa siya sa China – mistulang ipinagtatangol ang naturang bansa, at pinapangalagaan ang interest nito sa West Philippine Sea.
Sa halip aniya na kampihan ni Marcoleta ang Philippine officials na inaatake ng Chinese Embassy na nakabase sa Manila, ay mistulang pinapanigan pa umano niya ang mga opisyal ng embahada.
Hindi na rin ipinagtaka ni De Lima ang bansag ng ilang Pilipino sa kaniya at sa ibang mga Senador bilang ‘Tsinador’.
Ayon sa mambabatas, ‘welcome’ ang nilulutong ‘friendly debate’ sa pagitan nina Marcoleta at dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio upang lalo pang magkaroon ng mas malawak na kaalaman ukol sa West Philippine Sea at maipakita kung sino ang tunay na may pagmamahal at pagpapahalaga sa Pilipinas.
Pabor din si De Lima na harapin ni Carpio si Marcoleta upang pag-usapan ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagata, bagay na pamilyar at bihasa aniya ang dating mahistrado ng kataas-taasang hukuman.
Binalikan ni De Lima ang pagiging miyembro ni Carpio sa delegasyon ng Pilipinas na humarap sa Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands upang panindigan ang claim ng Pilipinas sa WPS, na kinalaunan ay naipanalo rin ng bansa.















