Nais ng opposition forces na patatagin ang pagsasama-sama ng iba’t-ibang grupo para sa darating na 2028 Presidential Elections.
Ito ay kasunod ng inisyal na pagpupulong na ginawa ng mga miyembro ng opposition kamakailan na dinaluhan ng kinatawan ng iba’t-ibang political party tulad ng Liberal Party, Akbayan, Magdalo, at iba pang malalaking grupo.
Ayon kay Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila De Lima, ang naturang pulong ay inorganisa ni Sen. Risa Hontiveros bilang isang get-together.
Ayon sa mambabatas, maagang tinalakay ng mga ito ang isang kasalukuyang problema, kasama ang posibleng impact nito sa 2028 national elections.
Napag-usapan na rin aniya ang ilang preparasyon para sa naturang halalan ngunit sa ngayon ay wala pang gaanong specific plans para rito.
Ayon pa sa mambabatas, nais ng grupo na bumuo ng malawakang oposisyon sa naturang halalan, bagaman mahigit dalawang taon pa bago ang muling pagpipili ng mga lider.
Sa kabila nito, hindi pa malinaw kung anong mga political party ang inaasahan pang magiging bahagi o inimbitahan na maging miyembro ng binubuong koalisyon.
















