Hindi isinasara ni Senadora Risa Hontiveros ang posibilidad na siya ang maging standard bearer ng oposisyon sa 2028 presidential elections.
Pahayag ito ni Hontiveros nang matanong ito kung ikokonsidera niyang tumakbo sa pagkapangulo pagkatapos ng tatlong taon o ng kanyang termino.
Bagama’t bukas ang senadora, sinabi niya na hindi nakatuon ang kanyang pansin sa halalan sa 2028, kundi sa pag-iisa ng mga kaalyadong sumuporta sa Akbayan, at kina mga senator-elect Kiko Pangilinan at Bam Aquino sa loob ng susunod na siyam na buwan.
Ngayong kabilang na sina Pangilinan at Aquino sa 20th Congress, sinabi ni Hontiveros na sila ang magsisilbing fiscalizer o tagabantay ng pamahalaan.
Gayunpaman, sinabi ni Hontiveros na maaari pa rin silang magkaroon ng magkakaibang desisyon at pananaw sa iba’t ibang isyu.