Naniniwala si Manila 6th District Rep. Benny Abante na maaaring maging “blessing in disguise” para sa mga makakalaban ni Vice President Sara Duterte ang maaga nitong pagpoposisyon para sa halalan sa 2028.
Sinabi ni Abante na ang maagang pag-anunsyo ng Bise Presidente ay maglalagay sa kanya sa mas matinding pagsusuri ng publiko, lalo na kaugnay ng ikaapat na impeachment complaint laban sa kanya na may kinalaman sa umano’y “unexplained wealth.”
Ayon kay Abante, kung walang itinatago ang Bise Presidente, dapat umano itong maging transparent at managot upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan.
Bagama’t naniniwala siyang “winnable” si Duterte kung ngayon gaganapin ang eleksyon, iginiit niyang hindi ito nangangahulugang hindi siya matatalo.
Aniya, mahigit dalawang taon pa bago ang 2028 elections at marami pang maaaring magbago sa pulitika.
Binanggit din niya na ang mga isyung pambansa, kabilang ang mga reporma sa pamahalaan at usapin sa katiwalian, ay maaaring makaapekto sa magiging desisyon ng mga botante.















