Ibinunyag ng kampo ng mga biktima ng war on drugs sa International Criminal Court (ICC) ang patuloy na nararanasang pangha-harass diumano mula sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing ngayong Pebrero 23, inilatag ni Atty. Joel Butuyan, ang common legal representative ng mga biktima, ang kasalukuyang sitwasyon ng mga naulila at mga nakaligtas.
Ayon kay Butuyan, ang mga matitinding tagasuporta ng dating pangulo ay nagsisilbing mga mini Dutertes at Duterte clones.
Dagdag pa ng abogado, ang mga indibidwal na ito sa Pilipinas ay nahawahan na umano ng virus of impunity na nag-ugat sa mga polisiya ng nakaraang administrasyon.
Ang manipestasyong ito ay bahagi ng paglalahad ng mga kinatawan ng biktima upang ipakita sa international tribunal ang malawakan at patuloy na epekto ng madugong kampanya kontra-droga, kahit pa wala na sa kapangyarihan si Duterte.
Kasalukuyang dinidinig sa The Hague ang kaso upang matukoy ng mga mahistrado kung may sapat na batayan upang iakyat sa pormal na paglilitis ang mga paratang laban sa dating punong ehekutibo.
















