Pinababawi ni Senadora Risa Hontiveros ang kapangyarihan ng Ehekutibo na magbaba ng taripa sa inangkat na bigas para maisalba ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Ang kapangyarihang ito ay nagbunga sa paglalabas ng Executive Order No. 62, na nagpababa sa taripa ng imported na bigas mula 35% tungong 15%.
Isinusulong ni Hontiveros, kasama si Senador Francis Pangilinan, ang pagpasa ng Joint Resolution No. 2 upang bawiin ang naturang delegated authority, dahil sa pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.
Giit ng senadora, bumaha ng imported na bigas at dahil sa mababang presyo nito, labis na naapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ayon kay Hontiveros, umabot sa 4.8 milyong metriko tonelada ng bigas ang inangkat ng Pilipinas noong 2024, dahilan upang manguna ang bansa bilang rice importer sa buong mundo.
Nabanggit din ni Hontiveros ang timing ng paglalabas ng EO 62 noong Hunyo 2024, bago pa man bumagsak ang pandaigdigang presyo ng bigas.
Batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, sinabi ni Hontiveros na ibinebenta ng mga magsasaka ang palay sa halagang ₱16.90 kada kilo noong June 2025, mas mababa kumpara sa mahigit ₱24.90 kada kilo noong nakaraang taon—malayo sa average production cost na ₱13.38 kada kilo noong 2023, na hindi pa kasama ang gastos sa pagpapatuyo, transportasyon, at imbakan.
Ipinahayag din ng senador ang pangamba sa kawalan ng malinaw na plano ng gobyerno na repasuhin o baligtarin ang pagbawas sa taripa.