Bumuwelta ang Akbayan party-list ngayong Sabado, Pebrero 7, kay Vice President Sara Duterte matapos nitong tawaging “harassment” at pang-aabuso sa impeachment process ang reklamong inendorso ng grupo laban sa kanya.
Sa isang video na inilabas nitong Sabado ng umaga, iginiit ng Bise Presidente na walang basehan ang naturang impeachment complaint.
Ngunit ayon sa Akbayan, kung tunay na walang saysay ang reklamo, hindi na sana kinailangan ng bise presidente na maglabas ng video upang, anila, atakihin ang grupo sa halip na sagutin ang mga paratang.
Sa isang pahayag, sinabi ng Akbayan na tama na ang mga palusot at hinikayat si VP Sara na maghanda na magtala ng kasaysayan bilang unang bise presidente na ma-impeach ng dalawang beses.
Matatandaan, nauna nang kinumpirma ni House Secretary General Cheloy Garafil na naisumite na sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang dalawang impeachment complaint laban sa Bise Presidente nitong Biyernes, Pebrero 6.















