-- Advertisements --

Nanindigan ang National Bureau of Investigation na nasa loob pa rin ng bansa ang pugante at negosyanteng si Charlie ”Atong” Ang.

Sa panayam kay Atty. Angelito Magno, acting director ng naturang kawanihan, kanyang ibinahagi na sila’y naniniwalang nasa Pilipinas ang pugante.

Patuloy aniya ang ‘manhunt operations’ ng ahensiya upang mahanap at matukoy ang lokasyon ni Atong Ang, na kasalukuyang hindi pa rin natatagpuan.

Dagdag pa niya’y nakikipag-ugnayan din sila sa iba’t ibang mga embahada ng bansa sakali mang meron impormasyon nagsasabing nakalabas na ito ng bansa.

Subalit dahil sa kawalan pa ng opisyal na pahayag mula sa Department of Foreign Affairs at Bureau of Immigration, giit niya’y posibleng nasa Pilipinas pa rin ang puganteng si Atong Ang.

Habang pagtitiyak naman niya’y ginagawa ng ahensiya ang lahat maresolba lamang ang ikinasang ‘manhunt operations’.

Tinitingnan aniya ng National Bureau of Investigation ang mga impormasyon natatanggap hinggil sa lokasyon o pinagtataguan ng pugante.

Kaugnay pa rito’y mariing itinanggi ng naturang direktor ang patungkol sa alegasyon koneksyon ng ilang tauhan ng kawanihan kay Atong Ang.

Kanyang pinabulaanan ang isyu na umano’y tangkang nasuhulan ang mga ito at sinabing walang ganitong ugnayan nangyari.

Ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang ay magugunitang inisyuhan na ng ‘arrest warrant’ mula sa Regional Trial Courts ng Lipa, Batangas at Sta. Cruz, Laguna.

Kanyang kinakaharap ang kasong ‘kidnapping with homicide’ at ‘kidnapping with serious illegal detention’ may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.