Hinamon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na manguna sa pagsasailalim sa lifestyle check sa gitna ng kontrobersiya at imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Sa isang pulong-balitaan, iginiit ni Hontiveros na kung nag-utos ang Pangulo ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, nararapat lamang na magpakita siya ng halimbawa sa pamamagitan ng pagsasapubliko ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Samantala, binigyang-diin ni Hontiveros na kung limitado lamang sa Ehekutibo ang ipinag-utos na lifestyle check ni Pangulong Marcos, maaari ring kusang-loob na makiisa rito ang Kongreso at Hudikatura.
Ayon sa kanya, may kapangyarihan ang Senate President, House Speaker, at Chief Justice ng Korte Suprema na hikayatin ang mga senador, kongresista, at mahistrado na ilantad sa publiko ang kanilang SALN at ipasuri ang kanilang pamumuhay.
Aniya, maaari ring manguna sa ganitong hakbang ang minority bloc, kung saan kabilang siya kasama sina Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III at sina Senators Loren Legarda, Panfilo Lacson, at Juan Miguel Zubiri.
Kung maisasakatuparan ang lifestyle check, isa sa mga posibleng mangasiwa rito ay ang Office of the Ombudsman, gaya ng nakagawian sa mga nagdaang panahon.
Una na ring sinabi ni Senadora Imee Marcos na dapat manguna ang mga mambabatas na sumailalim sa lifestyle check.
Ayon kay Marcos, bilang lider ng bansa, dapat sila ang manguna sa direktiba ng Pangulo na lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.