-- Advertisements --

Isinailalim na sa Red Alert Status ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council Operations Center (RDRRMC OpCen) kaugnay ng Bagyong Basyang.

Pinatitibay ng hakbang na ito ang koordinasyon, pagbabantay, at kahandaan ng mga kasaping ahensya at mga lokal na DRRM Council upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ang agarang at episyenteng pagtugon sa mga posibleng insidenteng dulot ng masamang panahon.

Mahigit sa 30 LGUs ang nagdeklara ng suspension ng klase ngayong araw bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.

Idineklara rin ang Orange Rainfall Warning sa lalawigan ng Guimaras, kung saan may banta ng matinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.

Samantala, humigit-kumulang 600 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa lalawigan ng Iloilo matapos kanselahin ang biyahe ng mga sea vessel sa buong lalawigan.

Nasa mahigit 300 rolling cargoes at tatlong barko ang stranded sa Dumangas Port at Ajuy Port.

Nagpaalala si Ensign El John Ga, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard Station Iloilo, na alamin muna ang mga abiso ng otoridad bago bumiyahe upang maiwasan ang pagkaantala, lalo na’t suspendido pa rin ang biyahe. Pinayagan naman ang biyahe sa rutang Iloilo to Guimaras and vice versa, ngunit limitado lamang ang bilang ng pasaherong maaaring sumakay.