-- Advertisements --

Sinusuri na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng ebidensiya kaugnay sa mauling complaint na inihain ni alyas Totoy laban kina Rhian Ramos, Michelle Dee at Samantha Panlilio.

Ayon kay NBI Director Lito Magno, masusing sinisiyasat ng mga imbestigador ang claims ng kampo nina Michelle Dee na nasa Iloilo siya noong nangyari ang umano’y pambubugbog kay alyas Totoy. Subalit, sa salaysay ng driver nangyari ang pananakit sa kaniya ng mas maaga bago pa man bumiyahe si Dee.

Kabilang aniya sa mga bina-validate nilang mga dokumento ang lahat ng statement ng mga sangkot, gayundin ang CCTV footage, flight details kasama na ang medico-legal report.

Maliban pa sa mauling incident sa condominium ni Dee, sisiyasatin din ng NBI ang claim ng driver na tinorture siya sa Makati police station para paaminin na ninakaw niya ang sensitibong film material na pagaari nila Dee at Ramos.

Samantala, ayon naman sa mga abogado ni Panlilio, hindi pa nababasa ng kanilang kliyente ang reklamo subalit nakahanda aniya ito na makipagtulungan sa mga awtoridad para malinis ang kaniyang pangalan at kumpiyansang maibabasura ito bilang gawa-gawa lamang.