-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagdududa ang National Police Commission (Napolcom) sa alegasyon ng driver ng aktres na si Rhian Ramos na umano’y pisikal siyang inabuso ng dalawang pulis sa Makati City.

Sa isang ambush interview sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni Napolcom Executive Officer Rafael Calinisan na batay sa kanyang nakita sa CCTV footage sa loob ng himpilan ng pulisya sa Makati, wala umano siyang nakitang malinaw na ebidensiya na nasaktan ang complainant na kilala sa alyas na “Totoy.”

Ayon kay Calinisan, ayaw niyang pangunahan ang imbestigasyon ngunit hindi umano nakitaan sa nilabas na CCTV footage ng anumang pananakit ang naturang driver.

Dahil dito, hindi pa nag-utos ang Napolcom ng motu propio investigation. Dagdag pa niya, hinihintay nila ang pormal na reklamo upang masuri kung ang mga sinasabing galos o marka ay tugma sa posibleng pinsalang natamo ng complainant.

Sinabi rin ni Calinisan na hanggang ngayon ay wala pang naihahain na pormal na reklamo sa kanilang tanggapan.

Nauna nang iginiit ni “Totoy” na binugbog siya ng dalawang pulis upang umamin sa umano’y pagnanakaw ng isang ‘pulang ampao’ na naglalaman ng sensitibong mga larawan.

Samantala, hindi pa ipinapatawag ng NBI sina Ramos at ang mga beauty queen na sina Michelle Dee at Samantha Panlilio, na inakusahan din ni Totoy ng torture at illegal detention.