-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pamilya at mga mahal sa buhay ng isang pulis na nasawi matapos ang kanyang duty sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 27.

Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan nasawi ang pulis matapos maaksidente sa kalsada kasunod ng kanyang 24-oras na security deployment para sa SONA.

Nakikiisa aniya ang NAPOLCOM sa pagdadalamhati ng pamilya, mga kasamahan, at buong Philippine National Police (PNP) sa pagkawala ng nasabing pulis.

Inatasan din ng opisyal ang mga kinauukulang tanggapan ng NAPOLCOM na agad makipag-ugnayan sa PNP at iba pang ahensya upang mapabilis ang pagproseso ng mga benepisyong nararapat matanggap ng naiwang pamilya ng pulis.

Tiniyak ni Calinisan na hindi pababayaan ng komisyon ang pamilya ng nasawing pulis at ibibigay ang kinakailangang suporta upang matulungan sila sa panahon ng pagluluksa.

Sinabi ng opisyal na patuloy na kinikilala ng NAPOLCOM ang sakripisyo at dedikasyon ng mga pulis na nagsisilbi at nagbabantay sa seguridad ng publiko, lalo na sa malalaking kaganapan gaya ng SONA.