Posibleng matanggal sa serbisyo ang isang police officer sa Cavite sakaling mapatunayang totoo ang alegasyon ng pananakit at pagbabanta sa isang college student, ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM).
Iniutos ng NAPOLCOM ang imbestigasyon sa reklamo ng 20-anyos na estudyanteng itinago sa alyas na “Ace” laban kay Police Senior Master Sergeant Don Carlos Almonidovar ng General Trias Component City Police Station.
Ayon sa reklamo, nangyari ang insidente noong Agosto 27, dakong alas-11:30 ng gabi sa Governor’s Drive sa Barangay San Agustin, Trece Martires City.
Sinabi ng estudyante na matapos siyang mag-U-turn sakay ng motorsiklo, umano siyang sinundan at binangga ng sasakyan ng pulis.
Inakusahan din niya si Almonidovar ng pananakit gamit ang baril at pagbabanta na papatayin siya.
Dinala umano ang estudyante at ang kaniyang 19-anyos na kasama sa himpilan ng pulisya upang ayusin ang insidente. Batay naman sa NAPOLCOM, nagpositibo sa alcohol consumption ang pulis sa isinagawang breathalyzer test.
Nauna nang inilipat si Almonidovar sa Cavite police Administration and Records Management Unit kasunod ng reklamo, habang nagsagawa rin ng hiwalay na pagsusuri ang NAPOLCOM-Calabarzon.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan, maaaring maharap ang pulis sa administrative charges dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kung mapatutunayan ang mga alegasyon. Maaari rin umano siyang ma-dismiss sa serbisyo kapag napatunayang administratively liable.
Inatasan din ni Calinisan si Almonidovar at ang police investigator na humawak sa kaso na humarap sa NAPOLCOM upang ipaliwanag ang kanilang panig.
Hindi pa nangangahulugan ang imbestigasyon na napatunayang nagkasala ang pulis, at nakatakda siyang mabigyan ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Home Top Stories
Cavite cop, iniimbestigahan ng NAPOLCOM sa umano’y pananakit sa college student
-- Advertisements --
















