Ibinahagi ng isang non-profit organization na Ilaw Pilipinas ang kanilang pangamba sa posibleng epekto ng pagtanggal sa ‘systems loss charges’ ng bayarin sa kuryente.
Sa isang ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Agnes ‘Beng’ Garcia, National Convenor ng Ilaw Pilipinas, kanyang sinabi na maaring makaapekto ito sa ilang ‘electric cooperatives’.
Magiging problema aniya ito sa mga maliliit na ‘electric cooperatives’ sapagkat sila na umano ang sasalo sa pagbabayad ng ‘systems loss’.
Bagama’t maganda at ikinatuwa ng karamihan ang bahagi ng talumpati sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. patungkol dito, giit niya’y dapat pa rin mapag-aralan maigi ang epektong idudulot.
Pinangangambahan din ng Ilaw Pilipinas ang posibilidad na sa pagkakatanggal ng ‘systems loss charges’ ay ilipat o idagdag ang bayarin sa ibang paraan.
Posible kasing matanggal ito ngunit ipapasa lamang muli sa mga konsyumer ang pagbabayad ng inialis na bayarin sa singil ng kuryente.
Kung kaya’t apela nila sa Energy Regulatory Commission at publiko na maging mapagmatyag at aktibo sa pagbabantay ukol sa usapin kuryente o enerhiya sa bansa.
















