Pinag-aaralan na rin ng National Police Commission (Napolcom) ang posibilidad ng pagpapataw ng administrative liability o pananagutang administratibo sa pulis na nagmamay-ari ng baril na ginamit sa pamamaril sa loob ng paaralan sa Tacloban City, Leyte.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, magsasagawa ang komisyon ng motu propio investigation sa babaeng police, kasabay ng imbestigasyong isinasagawang ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang pahayag, sinabi ng Napolcom Vice Chair na inatasan na niya ang Napolcom Regional Director ng Region 8 na si Dir. Risty Sibay na paspasan ang kanilang imbestigasyon.
Base sa initial findings, ang Glock pistol na ginamit sa shooting incident ay pagmamay-ari ng babaeng police na tiyahin ng isa sa mga menor de edad na estudyanteng suspek.
Nakadestino ito sa Police Regional Office 8 at isinailalim na sa restrictive custody habang gumugulong ang imbestigasyon sa mass shooting.
















