Inisyuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena ang celebrities na sina Michelle Dee, Rhian Ramos at beauty queen na si Samantha Panlilio.
Kinumpirma ito ng legal counsel ni Dee na si Atty. Maggie Abraham-Garduque sa isang statement.
May kinalaman ito sa umano’y pambubugbog at iligal na pagkulong ng tatlo sa dating driver ni Ramos na si alyas Totoy noong Enero 17 hanggang 19, mga akusasyong nauna nang itinanggi ng tatlo.
Natanggap na ng law office ng legal team ni Dee ang subpoena na inisyu ng NBI noong nakalipas na linggo dahil naghain sila ng entry of appearance upang lahat ng notices kay Michelle Dee ay direktang ipapadala sa kanilang opisina.
Siniguro naman ng abogado na tatalima ang kaniyang kliyente sa inisyung subpoena upang mapakinggan ang kanilang panig kaugnay sa naturang isyu.
Umaasa rin ang kampo ni Michelle Dee na makamit din nila sa wakas ang hustisiya. Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo nina Ramos at Panlilio kasunod ng inisyung subpoena.















