KALIBO, Aklan— Naghain ng kahilingan sa Office of the Ombudsman ang Bunyog Pagkakaisa Party upang makakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Bise Presidente Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Culex Soliman, secretary general ng nasabing grupo na napansin nila na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa inilalabas ng Bise Presidente ang kanyang SALN, kaya’t minabuti nilang maghain ng pormal na request upang masiguro ang transparency sa panig ng opisyal.
Giit pa ni Soliman, mahalaga para sa publiko na malaman ang katotohanan, lalo na sa gitna ng mga isyung kinakaharap ni Duterte gaya ng paggamit umano ng confidential funds.
Aniya, karapatan ng mamamayang Pilipino na malaman kung walang bahid ng anomalya ang mga opisyal ng pamahalaan.
Sa ngayon, wala pang tugon mula sa Office of the Ombudsman hinggil sa naturang kahilingan.
Samantala, binigyan ng mababang grado ng Bunyog Pagkakaisa Party ang pamumuno ni Duterte bilang Bise Presidente dahil sa kakulangan ng pagiging bukas sa publiko.
Binanggit din niyang hindi umano naging epektibo ang pamumuno nito sa Department of Education (DepEd) dahil wala ring nakikitang malaking pagbabago sa ahensya.
















