Kinumpirma ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na winasak ng puwersa ng Israel ang compound ni Iran Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei at napatay ang mga matataas na komander ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), gayundin ang mga pangunahing personalidad sa nuclear program ng Iran.
Sa nasabing operasyon magkatuwang ang Israel at Amerika na target wakasan ang banta ng rehimeng Ayatollah sa Iran.
Sinabi pa ni Netanyahu na maraming indikasyon at senyales na napatay sa nasabing operasyon si Khamenei.
Sa ilalim ng “Operation Roaring Lion,” kinumpirma ni Netanyahu na winasak ng isang sorpresang pag-atake ang kuta ni Ayatollah Khamenei sa Tehran at pinabagsak ang mga matataas na opisyal ng Revolutionary Guards at mga pinuno ng nuclear program.
Nagpasalamat naman ang Prime Minister kay President Donald Trump para sa matibay na alyansa at suporta ng Amerika sa operasyong ito.
Ayon kay Netanyahu, layunin ng hakbang na ito na pigilan ang Iran sa pagkakaroon ng nuclear weapons at bigyang-daan ang mga mamamayan ng Iran na mapatalsik ang kanilang mapaniil na rehimen.
Binigyang-diin niya na ang “War of Redemption” ay maghahatid ng tunay na kapayapaan sa Middle East.
Pinuri ni Netanyahu ang “historic leadership” ni President Donald Trump, na tinawag niyang lider na tumutupad sa pangako.
Ayon sa kaniya, ang alyansa ng dalawang bansa ay nasa “all-time high” ngayon, kapwa sa panahon ng kapayapaan at digmaan.
Kinumpirma ni Netanyahu ang pagkawasak ng compound ni Ayatollah Khamenei sa gitna ng Tehran.
Aniya, maraming senyales na ang diktador mismo ay wala na. Kasabay nito, na-neutralize rin ang mga matataas na opisyal ng Revolutionary Guards at mga utak sa likod ng nuclear program ng Iran upang matiyak na hindi sila kailanman makakakuha ng mga nuclear weapons.
Nakiusap si Netanyahu sa mga Iranian (Persians, Kurds, Azeris, atbp.) na huwag sayangin ang pagkakataong ito.
Hinimok niya ang mga ito na lumabas sa mga lansangan at itumba ang rehimeng nagpahirap sa kanila.
Inihalintulad ni Netanyahu ang katapangan ng Israel sa estatwa ng Roaring Lion sa Tel Hai, bilang paggunita kay Joseph Trumpeldor.
















