-- Advertisements --

Bagaman dagsa ang mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil sa paggunita ng Undas, wala panaman umanong fully booked na biyahe hanggang Novemeber 3, ayon sa pamunuan ng terminal. 

Batay sa datos na inilabas ng PITX, ngayong Nobyembre 1, nasa 32.56% ang booking status ng mga biyahe patungong Bicol, 25.90% sa Laguna, Batangas at Quezon o Labazon, 30.19% sa North Luzon, 9.09% sa Mindoro, at 19.64% sa Visayas at Mindanao.

Para naman sa mga biyahe sa Nobyembre 2, nasa 26.03% ang booking status patungong Bicol, 6.70% sa North Luzon at 6.54% sa Visayas at Mindanao. Wala pang naitalang booking para sa Laguna, Batangas, Quezon at Mindoro.

Inaasahan namang mas kaunti ang mga bibiyahe sa Nobyembre 3, kasabay ng pagbabalik ng mga klase at trabaho. Nasa 5.90% ang booking status patungong Bicol at 4.02% sa North Luzon, habang wala pang booking sa Labazon, Visayas at Mindanao, at Mindoro.

Samantala, Oktubre 30 naitala ang pinakamataas na dagsa ng pasahero sa mga rutang binabantayan ng PITX. Umabot ito sa 72.17% para sa Bicol, 50.54% sa Labazon, 65.21% sa North Luzon, 41.35% sa Visayas at Mindanao, at 62.50% sa Mindoro.

Sa kabila ng hindi pa lubusang napupunong mga biyahe sa mga rutang ito, umabot na sa 1,439,613 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong dumaan sa PITX mula Oktubre 25 hanggang alas-4 ng hapon ng Nobyembre 1.

Sa nasabing araw, 124,882 pasahero ang naitala sa terminal.

Inaasahan ng PITX na aabot sa hindi bababa sa 1.8 milyon ang mga pasaherong gagamit ng terminal mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 4.

Gayunman, ibinaba ng terminal ng 10% o katumbas ng 210,000 pasahero ang inaasahang dami ng mga biyahero ngayong Undas. 

Isinaalang-alang nito ang posibleng pagdami ng mga bibiyahe sa Nobyembre 16 hanggang 18, na idineklarang special non-working days sa Metro Manila upang bigyang-daan ang mga summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mga kaugnay na pagtitipon.