-- Advertisements --

Nanawagan sina Senate President Sherwin Gatchalian at Senator Raffy Tulfo ng mas mahigpit na seguridad para sa mga motorista at byaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya para sa paggunita ng Undas. 

Si Gatchalian hinimok ang mag lokal na pamahalaan at law enforcement agencies na paigtingin seguridad lalo na mga expressway, pangunahing lansangan, bus terminal at paliparan na paniguradong dadagsain ng mga pasahero. 

Binigyang-diin ng Senate President na mas magiging makahulugan ang paggunita sa pag-alala ng mga yumaong mahal sa buhay kung maayos at ligtas ang lahat sa biyahe. 

Pinayuhan din ni Gatchalian ang mga motoristang bibiyahe ngayong undas na huwag pairalin ang init ng ulo at maging magalang sa mga kapwa motorista. 

Samantala, nauna nang inatasan ni Sen. Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services ang Land Transportation Office (LTO) na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga pampasaherong bus bago payagang bumayahe. Kabilang dito ang pagsusuei sa mga preno at mga gulong, drug testing sa mga driver at pagbabawal sa operasyon ng mga kolorum na bus. 

Binigyang-diin ni Tulfo na dapat regular ang pag inspeksyon ng LTO at hindi laman tuwing may okasyon tulad ng Undas. 

Kasunod nito, ikinabahala din ni Tulfo ang seguridad sa mga paliparan matapos ang mga ulat ng pagnanakaw ng mga mahahaling relo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at matagal na natukoy ang salarin dahil may ilang Closed Circuit Television o CCTV camera sa lugar na hindi gumagana noong mangyari ang insidente. 

Dahil dito, hiniling ni Tulfo na tiyaking gumagana ang lahat ng CCTV camera bago ang Undas at magtalaga ng sapat na mga tauhan sa mga paliparan upang mabilis na makatugon sa anumang insidente.

Bukod dito, Hinimok din niya ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) na tiyaking ligtas at sumusunod sa mga pamantayan ang mga barkong bibiyahe.

Kabilang sa mga dapat mahigpit na ipatupad ang pagkakaroon ng sapat na life jacket, pagsunod sa maximum passenger capacity, tamang bigat ng kargamento at kawastuhan ng mga talaan ng pasahero.

Binigyang-diin ni Tulfo na mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno, transport operators at publiko upang matiyak na ligtas na makararating sa kanilang destinasyon ang mga biyahero ngayong Undas.