-- Advertisements --

Naniniwala si dating Senator Antonio Trillanes IV na si Senator Risa Hontiveros ang pinakamalakas at kwalipikadong pambato bilang Pangulo laban kay Vice President Sara Duterte sa 2028 elections.

Ito ay kung hindi aniya matuloy ang impeachment laban kay VP Sara at makatakbo sa halalan sa 2028.

Sa isang news podcast, sinabi din ni Trillanes na pipiliin niya si Sen. Hontiveros kaysa kina Senador Bam Aquino at dating VP at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo bilang potensiyal na kandidato sa pagka-Pangulo.

Hindi naman isinantabi ni Trillanes ang posibilidad na maaaring mapamahalaan ng mabuti nina Aquino at Robredo ang bansa kung nasa mapayapa itong sitwasyon subalit hindi aniya ganito ang klase ng mundong ating ginagalawan ngayon dahil may mga masasamang pwersa kayat ang kailangan aniya ay isang tao na may matatag na paninindigan, bagay na ilang beses na aniyang naipamalas ni Sen. Risa.

Saad pa ni Trillanes na may magandang saloobin naman si Robredo subalit may reserbasyon siya sa dating Bise Presidente dahil sa sinasabing pakikipagkaibigan niya kay VP Sara kasunod ng kanilang pagpupulong noong Setyembre 2024 nang bumisita ang Bise Presidente sa bahay mismo ni Robredo. Si Sen. Bam Aquino naman ay umanib sa majority bloc ng Senado kung saan kasapi din ang mga Senador na kaalyado ng Duterte.

Ibinunyag din ni Trillanes na kapwa sinabi umano sa kaniya nina Bam at Leni noon na hindi sila pabor na iharap sa International Criminal Court si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kaniyang war on drugs charges. Hindi din umano ipapasakamay ni Robredo ang dating Pangulo sa ICC kung manalo siya noon sa 2022 elections.

Ang mga magkasalungat na agendang ito aniya ang dahilan kayat hindi niya masusuportahan sina Aquino at Robredo sa 2028 elections.