Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), partikular ang National Authority for Child Care (NACC), sa mga social media platforms tulad ng Meta na mas higpitang tutukan ang online baby selling at ilegal na adoption groups.
Ayon kay Rowena Macalintal, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Philippine National Police at Women and Children Protection Center para tutukan ang mga Facebook groups na nagbebenta ng bata o nagpo-promote ng online adoption.
Umabot umano ang presyo ng mga sanggol mula sa P8,000 hanggang P130,000, at may ilan pang grupo na may higit 13,000 miyembro.
Ipinaliwanag ni Macalintal na hindi maaaring tuluyang tanggalin ang lahat ng grupo dahil may ongoing law enforcement operations at entrapment activities.
Gayunmaan, maaaring managot ang parehong sellers at buyers sa ilalim ng batas, dahil ilegal ang online adoption sa Pilipinas.
Binigyang-diin din ng opisyal na ang lehitimong proseso ng adoption ay tumatagal lamang ng humigit-kumulang siyam na buwan kung susunod sa lahat ng dokumento at pamamaraan.
Kaugnay nito para sa mga magulang na hindi na kayang alagaan ang kanilang anak sinabi ng opisyal na puwede silang lumapit sa NACC, DSWD offices, o iba pang lisensyadong child care facilities para sa tamang assessment at counseling.
Nanawagan si Macalintal na magkaroon ng pormal na dialogue ang pamahalaan at Meta upang ipagbawal ang paggawa ng mga grupong lumalabag sa batas.
















