-- Advertisements --

Pormal naman nang tinukoy ng prosecution team ng International Criminal Court (ICC) ang ilang matataas na kasalukuyan at dating opisyal ng Pilipinas bilang mga umano’y co-perpetrators o kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersiyal na kampanya kontra ilegal na droga.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng pandaigdigang tribunal, partikular na inisa-isa ni ICC Trial Lawyer Robynne Croft ang mga pangunahing opisyal na gumanap ng mahalagang papel sa pagpapatupad ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Kabilang sa mga lantarang pinangalanan sa kapulungan sina dating Philippine National Police (PNP) Chief at kasalukuyang Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, Senador Christopher “Bong” Go, at dating Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II. Mayroon din umanong iba pang mga opisyal na kabilang sa listahan.

Ang pagtukoy sa mga co-perpetratorsay isang mahalagang hakbang ng taga-usig upang patunayan na ang serye ng mga pagpaslang ay hindi lamang sariling pasya ng dating pangulo, kundi may koordinasyon at direktang partisipasyon mula sa kanyang mga pinagkakatiwalaang opisyal.