-- Advertisements --

Maituturing na pag-atake sa administrasyon ang inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tugon ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro matapos mai-refer na sa House Committee on Justice ang dalawang verified impeachment complaints na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inindorso ni Rep. Jette Nisay at Makabayan bloc lawmakers.

Paliwanag ni Castro, hindi lamang ang Pangulo ang posibleng maapektuhan ng impeachment kundi pati na rin ang bansa at ang ekonomiya.

“ In a way, yes, dahil sabi po natin ang anumang pagsasampa ng impeachment complaint ay hindi lang ang Pangulo ang maaapektuhan kundi mismo ang bansa at ang ekonomiya,” pahayag ni USec. Claire Castro.

Iginagalang naman ng Malacañang ang referral ng dalawang verified impeachment complaints laban kay Pangulong Marcos  sa House Committee on Justice.

Ayon kay Castro, kinikilala ng Pangulo ang mga hakbang at desisyon ng House of Representatives at hinahayaan nitong umandar ang proseso ng impeachment alinsunod sa itinakda ng batas.

“Ginagalang po ng Pangulo kung anuman po ang activities, ginagawa at mga desisyon po ng House of Representatives so hayaan po natin ang proseso na umandar na naaayon sa batas,” dagdag pa ni Castro.

Kaugnay nito, tiniyak ng Malacañang na hindi magiging hadlang ang impeachment efforts sa pagtupad ng Pangulo sa kanyang mga tungkulin.

Ayon pa kay Usec. Castro, hindi mapapahinto ang Pangulo sa patuloy na pagtatrabaho para sa pag-angat ng buhay ng bawat Pilipino sa kabila ng mga reklamong isinampa laban sa kanya.

Dagdag pa niya, handa ang Malacañang na makipagtulungan sa Kongreso kung sakaling humiling ang House Committee on Justice ng mga dokumento.

Ani Castro, iginagalang ng Pangulo ang proseso at susunod sa anumang legal na kahilingan kaugnay ng isinasagawang pagdinig.

“ Unang-una po, itong mga impeachment complaint na naisampa laban sa Pangulo ay hindi po mapapahinto, hindi po mapapatigil ang Pangulo sa patuloy niyang pagtatrabaho para iangat ang buhay ng bawat Pilipino. 

Kung kinakailangan po at sinasabi na dapat na magbigay ng anumang dokumento, muli ang Pangulo po ay gumagalang sa proseso,” dagdag pa ni USec. Claire Castro.