Nagbabala ang security analyst na si Dr. Chester Cabalza laban sa umano’y mga Chinese spy network na lalo pang lumalawak ang operasyon sa bansa.
Ang mga ito, ayon kay Calablza, ay may malalaking pondo at posibleng nagpaplanong maka-impluwensiya sa ilang mga kaganapan sa Pilipinas, kasama na ang 2028 Presidential Elections.
Naniniwala ang eksperto na nais ng Chinese government na makisawsaw sa halalan upang panalunin ang gusto nilang susunod na pangulo ng bansa.
Tiyak din aniyang maglalabas ang mga ito ng campaign fund para sa sinumang susuportahang kandidato upang mas ma-impluwensiyahan ang foreign at security policies ng Pilipinas.
Ayon pa kay Cabalza, pinipilit na ng mga Chinese sleeper agent na pasukin ang mga critical institution ng bansa tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Marami sa mga ito ay nakakapagsalita na rin ng Filipino at karaniwang pinapasok ang mga Chinese Filipino community upang makapagpangap na bahagi sila ng komunidad.
Umapela rin ang security analyst sa pamahalaan na lawakan ang intelligence operations sa lahat ng sector dahil tiyak aniyang sasamantalahin ng China ang pagpapadala kasalukuyang relasyon nito sa Pilipinas, para lalo pang magpadala ng mas maraming spy.
Ang mga naturang spy, ayon kay Cabalza, ay posibleng nakakapasok at nakakapag-impluwensiya na sa iba’t-ibang sektor.