-- Advertisements --

Tinanggihan ng Sandiganbayan nitong Huwebes, Peb. 5, ang kahilingan ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na mailipat mula sa kulungan sa Quezon City patungo sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.

Sa naging desisyon ng Third Division ng anti-graft court, ibinasura rin ang mosyon ni Revilla na i-quash ang impormasyon at ibalik ang kaso sa Office of the Ombudsman para sa reinvestigation.

Dahil sa pagbasura ng kanyang petisyon, mananatiling nakakulong si Revilla sa New Quezon City Jail Male Dormitory, kung saan nakakulong din ang kanyang mga co-accused.

Ayon pa sa korte, nabigo ang dating senador na magpakita ng sapat na dahilan upang bigyang-katwiran ang kanyang kahilingan na ilipat ng kustodiya, partikular ang kanyang mga alegasyon na nalalagay sa panganib ang kanyang buhay o siya ay pinupuntirya sa loob ng kulungan.

Magugunitang nag-ugat ang kaso sa reklamo ng sinibak na Public Works engineer na si Henry Alcantara, na nag-akusang tumanggap umano si Revilla ng kickbacks mula sa isang P92.8-million “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.

Nauna nang nakulong si Revilla ng apat na taon matapos masangkot sa P10-billion pork barrel scam, kung saan siya kalaunan ay napawalang-sala.