-- Advertisements --

Naghain ng kasong graft at administratibo ang ilang transport group laban kay LTFRB Region 3 Director Ret. Gen. Richard Albano dahil sa umano’y iregularidad sa pag-isyu ng Transport Network Vehicle Service o TNVS slots.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nito na hindi na umano makatiis ang mga transport group sa mga umano’y anomalya sa pamamalakad ni Albano.

Ayon kay Atty. Inton, nais na ng kanyang mga kliyente na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang opisyal.

“Hindi na talaga makatiis ang mga transport group sa Region 3 sa mga anomalyang pagpapalakad ni Gen. Richard Albano.We already wrote a letter to DOTr, pinasubmit na kami na dokumento to support our complaints. However, nais ng aking kliyente ay sampahan na ng kriminal at administrative cases itong si Albano,” saad ni Inton.

Kabilang sa nagsampa ng reklamo ang Hail Transport Network Company matapos umanong pilitin ng mga tauhan ni Albano na idaan sa kanila ang mga TNVS application, na labag umano sa patakaran dahil hindi dapat ang LTFRB ang nagsosolicit ng aplikasyon.

Aniya, hiling ngayon ng mga complainant ang preventive suspension laban kay Albano at sa kanyang mga kasamahan habang dinidinig ng Ombudsman ang reklamo.

Dagdag ng abogado, maayos umano ang pamamahala ng ibang opisyal sa transportasyon, ngunit kailangang alisin ang mga tiwaling opisyal upang hindi maapektuhan ang mga reporma ng DOTr at LTFRB.

“Maganda naman ang pamamahala ng ibang opisyal sa transportasyon, but we have to leave out officials like Gen. Albano, nang sa ganun ay di makaapekto mga reforms na ginagawa ng DOTr at ng LTFRB,” dagdag pa nito.

Nanawagan din ito sa mga may alam na katiwalian na magsampa ng kaukulang reklamo.