Ipinatupad ng Philippine Coast Guard ang No Sail Zone sa kadagatang sakop ng Panglao, Bohol bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa nagpapatuloy na ASEAN Summit 2026 activities.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Coast Guard Station (CGS) Western Bohol Acting Station Commander LtJG Babe Jocelie Isaga, sinabi niyang lahat ng uri ng aktibidad pandagat ay pansamantalang ipinagbabawal sa nasabing panahon.
Kabilang sa mga pansamantalang ipinagbabawal ang diving, sailing, biyahe ng mga bangka, luxury cruises, parasailing, jet ski, kayaking at iba pang recreational water activities.
Ayon kay LtJG Isaga, hindi rin papayagang dumaong ang anumang sasakyang pandagat sa loob ng No Sail Zone, bagama’t pinahihintulutan pa rin ang paglangoy sa loob ng itinakdang limitasyon.
Layunin ng hakbang na ito na matiyak ang seguridad ng mga ASEAN delegates na mananatili sa mga hotel at resort sa lugar, katuwang ang 24/7 roving maritime at security patrols.
Batay sa monitoring ng Coast Guard, nanatiling mapayapa ang sitwasyon at wala pang naiulat na insidente.
Matatandaan na nagsimula ang serye ng pagpupulong noong Enero 19 at magtatagal hanggang sa Enero 31.
















