Tiniyak ng pulisya sa Bohol na 101% na ang kanilang kahandaan para sa nalalapit na ASEAN Summit 2026 na gaganapin sa bayan ng Panglao.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCpt Thomas Zen Cheung, designated spokesperson ng Bohol security coverage ng ASEAN Summit , sinabi nito na handa na at in place na ang lahat ng security preparations, at kampante ang kapulisan na masisiguro ang kaligtasan ng mga delegado at bisita ng summit.
Ayon kay Cheung, umabot sa 121 ang kabuuang bilang ng mga delegado sa lalawigan, kung saan 88 ay mga dayuhang delegado habang 33 naman ang lokal na delegado.
Sa kasalukuyan ay wala naman umanong natukoy na banta sa seguridad, ngunit may nakahanda na silang contingency plans.
Aniya, nasa mahigit 2,000 pulis ang naka-deploy at strategically positioned sa mga key areas sa Panglao at iba pang bahagi ng Bohol, dahilan upang maituring na naka-full alert status na ang buong hanay ng pulisya sa lalawigan.
Nanawagan naman ito ng buong suporta at pakikiisa sa publiko upang maging matagumpay at mapayapa ang pagdaraos ng ASEAN Summit sa Bohol.
















