-- Advertisements --

Nakipagkita si Israeli President Isaac Herzog kay Bernie Lavarias, asawa ng yumaong Filipina caregiver na si Mary Ann De Vera, sa Jerusalem upang personal na iparating ang kanyang pakikiramay matapos ang pagkamatay ng Pinay sa isang missile attack.

Ayon kay Herzog, ipinapaabot niya ang taos-pusong pakikiramay ng estado ng Israel sa pamilya ni De Vera at sa buong sambayanang Pilipino.

Ibinahagi rin ng Pangulo na malaki ang pagpapahalaga ng mga Israeli sa mga Filipino caregiver, na madalas ituring na bahagi ng kanilang pamilya.

Tiniyak din ng Pangulo na makatatanggap si Lavarias ng agarang tulong pinansyal at buwanang benepisyo sa ilalim ng compensation program ng Israel para sa mga biktima ng digmaan.

Nagpasalamat naman si Philippine Ambassador Aileen Mendiola sa ipinakitang suporta ng Israel sa pamilya ng nasawing Pinay at ipinahayag ang dalamhati ng komunidad ng mga Pilipino sa pagkamatay ni De Vera at ng lima pang Pilipino na nasawi sa gitna ng digmaan sa pagitan ng Israel at Iran noong nakaraang taon at sa mga pag-atake noong Oktubre 7.

Samantala, niting gabi ng Huwebes inilipad na mula Israel ang labi ng Pinay at inaasahang darating sa bansa ngayong araw.