Muling isinusulong ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang matagal na umano niyang inihain na panukalang batas na naglalayong palakasin at gawing makabago ang batas laban sa espionage sa pamamagitan ng mas mabigat na parusa at pagsaklaw sa mga bagong anyo ng paniniktik gamit ang modernong teknolohiya.
Ayon kay Lacson, matagal na niyang inihain ang panukala ngunit nananatili parin itong nakabinbin sa komite ng Senado. Aniya, layunin umano nitong i-update ang anti-espionage law na napakagaan ng parusa.
Sa ilalim ng panukala, maaring patawan ng life imprisonment o habang buhay na pagkakakulong ng walang parole at multang P5 milyon hanggang P20 milyon ang sinumang mapapatunayang sangkot sa espionage o pakikipagsabwatan sa panghihimasok sa panloob na usapin ng bansa.
Nawawagan si Lacson ng mas mahigpit na parusa laban sa espionage kasunod ng mga ulat na umano’y aktibidad ng dayuhang paniniktik na tumatarget sa mga sensitibong impormasyon ng estado ng Pilipinas.
Samantala, matatanadaan na kinumpirma ng National Security Council na tatlong Pilipino ang kamakailang na aresto kaugnay ng umano’y espionage na pinaniniwalaang may koneksyon sa dayuhang intelligence na aktibo sa bansa. at sinabi naman ni Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na umamin na ang tatlong suspek at nakikipagtulungan na sa mga awtoridad.
















