Kahit nasa ika-anim na araw pa lamang ng ASEAN meetings, umabot sa 142 delegado sa Bohol ang nakaalis na ng bansa matapos makumpleto ang kani-kanilang mga pagpupulong at pakikipag-ugnayan.
Ito’y batay sa pinakahuling situation report kaninang alas 9:00 ng umaga, Enero 24.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PCpt. Thomas Zen Cheung, designated spokesperson ng ASEAN security coverage sa Bohol, sinabi nito na ang naturang bilang ay mula sa kabuuang 268 delegado.
Aniya, nanatili naman ang 126 na delegado para sa mga opisyal na aktibidad ng ASEAN 2026.
Sa kabuuang bilang, 176 ang mga dayuhang delegado habang 92 ang lokal.
Sinabi pa ni Cheung na ngayong nasa ikaanim na araw na ng ASEAN meetings ay nananatiling ligtas at secure ang Bohol at wala umanong naitalang untoward incident o banta.
Ito’y dahil pa sa masusing paghahanda at koordinasyon bago pa man ang pagsisimula ng naturang mga aktibidad.
“Walang untoward incidents and perceived threats, kasi lahat ng mga yun is well-taken into considerations sa ginanap na series of meetings bago pa man ang aktibidad. Hands on din kasi si Regional director Maranan, tapos lahat ng threats perceived at challenges, nagawa na. Kaya smooth sailing ang events,” saad ni Cheung.
Tiniyak pa nito na normal at maayos ang peace and order situation sa buong lalawigan, na sinusuportahan ng umabot na ngayon sa mahigit 3,180 security at support personnel mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Hinikayat pa niya ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng mapayapa at maayos na ASEAN Summit.
















