Inaprubahan naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Marikina ang 100% tax relief para sa mga maliliit na negosyo.
Kabilang din dito pati ang buong amnestiya sa interes at surcharge ng mga may utang sa amilyar o real property tax.
Nito lamang kasi ay nilagdaan ni Marikina Mayor Maan Teodoro ang mga ordinansa bilang suporta sa tinatawag na MSME’s o Micro, Small and Medium Enterprises at kabuhayan ng mga pamilya.
Kung kaya’t sa ilalim nito, libre na sa business tax, business permit fees at iba pang mga regulatory charges ang mga sari-sari store at carinderia para sa tax year 2026.
At upang makatiyak, magbibigay anila ng sertipikasyon ang lokal na pamahalaan sa lahat ng kwalipikadong establisyimento.
Ipinatutupad din ang buong amnestiya sa interes at surcharge sa mga delingkwenteng real property taxpayers hanggang sa buwan ng Hulyo ng taon kasalukuyan.
Habang katulad ng sa Maynila, pinalawig rin ang deadline ng business permit renewal hanggang sa buwan naman ng Pebrero.















