Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahandaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa lahat ng bansa upang bigyang-kapangyarihan, pangalagaan, at isulong ang kapakanan ng kababaihan.
Sa kanyang talumpati sa ika-70 Sesyon ng Commission on the Status of Women sa Punong-tanggapan ng United Nations sa New York nitong Lunes (oras sa New York), binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pakikilahok ng kababaihan sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa pamahalaan, negosyo, agham, diplomasya, at sa pagtataguyod ng kapayapaan.
Binigyang diin naman ni Pangulong Marcos na dapat magsikap ang mga bansa na magbigay ng edukasyon at ekonomikong kapangyarihan sa kababaihan.
Idinagdag din niya na kasinghalaga ng edukasyon ang ekonomikong pagbibigay-kapangyarihan at dapat magkaroon ang kababaihan ng pantay na akses sa trabaho, pananalapi, pagnenegosyo, at pamumuno.
Bukod dito, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat manatiling nagkakaisa ang mga bansa sa pagharap sa karahasan laban sa kababaihan sa lahat ng anyo nito, sapagkat ang karahasan ay sumisira sa dignidad, nagpapahina sa mga komunidad, at sumisira sa pundasyon ng hustisya.
Binigyang-diin niya na ang tunay na pagkakapantay-pantay ay nangangailangan hindi lamang ng pagbabago sa mga patakaran, kundi pati na rin ng pagbabago sa kultura.
















