LAOAG CITY – Nasunog ang isang estudyante na driver ng motorsiklo matapos sumalpok sa nakaparadang SUV sa Padsan Bridge sa Barangay 45, Tangid sa lungsod ng Laoag dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Kinilala ang biktima na nagmaneho ng Yamaha Aerox na si Mark Renier Laureta, 19 na anyos, tubo sa Vigan City, Ilocos Sur habang ang driver ng SUV na isang Nissan Patrol ay si Anthony Elo Lazaro, 39 na anyos na residente sa Barangay San Francisco sa bayan ng San Nicolas.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Glenn Mc Neil Cabias, Chief Operation ng Bureau of Fire Protection sa lungsod ng Laoag, dakong alas-4:40 ng madaling araw, habang binabaybay ng nakamotorsiklo ang pahilaga sa bahagi ng Padsan Bridge, bigla nitong nabangga ang isang nakaparadang SUV na nakaharap sa hilaga.
Aniya, nasunog ang driver ng motorsiklo habang tumilapon ang kanyang backrider at nagtamo ng maraming sugat sa katawan.
Paliwanag niya na dead on the spot ang driver ng motorsiklo habang ang backrider ay dinala sa Governor Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital para malapatan ng lunas at hindi naman nasaktan ang driver ng SUV.
Kaugnay nito, sinabi ni Mr. Christian Bonifacio, ang kasama ng driver ng SUV, na pumarada sila sa gilid ng tulay dahil naubusan sila ng gasolina.
Paliwanag niya, nakabukas ang hazard lights ng kanilang sasakyan habang nakaparada at ipinapakita ang kanyang cellphone na may flashlight.
Iniiwasan din aniya ng lahat ng dumadaang sasakyan ang kanilang nakaparadang sasakyan ngunit dumiretso ang nakamotorsiklo na humantong sa banggaan.
Mabilis aniya ang takbo ng motorsiklo at posibleng hindi nito nakita ang kanilang nakaparadang sasakyan.
Dagdag pa nito, sinubukan din nilang hilahin ang biktima mula sa nasusunog nitong motorsiklo ngunit nahirapan silang tanggalin dahil naipit ito at mabilis na kumalat ang apoy.
Samantala, ang driver ng motorsiklo ay pinaniniwalaang galing sa isang bar at mistulang lasing habang ang mga sakay ng SUV ay magka-camping sa Mount Lammin.
















