KALIBO, Aklan — Nilinaw ni Kalibo Mayor Juris Sucro na pangunahing layunin ng kanyang naging kontrobersiyal na pahayag na pahabain ng dalawang linggo ang nakasanayang weeklong celebration ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan Festival ay upang bigyang halaga ang religious at spiritual na aspeto nito.
Ito ay makaraan ang pag-uusap nila ni Fr. Justy More, chancellor ng Diocese of Kalibo.
Gusto umano ng simbahan na maging bahagi ng mga nakalinyang aktibidad ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang pagsisimula ng 9-day devotional novena kay Sto. Niño nga siyang spiritual foundation ng pagdiriwang.
Nauna dito, nanawagan si Fr. More na iwasan ang masyadong komersiyalisasyon at turismo sa kapistahan ni Sr. Sto Nino de Kalibo dahil nawawala aniya ang Kristiyanong diwa ng selebrasyon, kung saan, mistulang mas binibigyang halaga ang business aspect ng aktibidad kaysa sa tunay na religious significance.
Napansin umano nito na mas dumarami ang commercialism sa festival na parang mas naging tourist attractions na lamang ito imbes na ang selebrasyon ay dapat na nakatuon sa kanyang orihinal na konsepto at kahulugan ng okasyon.
Dapat aniyang bigyan ng malaking atensyon ang pagbibigay pugay sa patron ng bayan ng Kalibo.















