Nanawagan ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)-Cebu sa pamahalaan na maglatag ng agarang at pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang epekto ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni PISTON-Cebu President Greg Perez na bagama’t pandaigdigang isyu ang paggalaw ng presyo ng langis, may kakayahan umano ang gobyerno na magpatupad ng mga polisiya upang hindi lubos na maramdaman ng mga tsuper at maliliit na operator ang bigat ng taas-presyo.
Iginiit ng grupo na hindi dapat umasa lamang sa pansamantalang ayuda tulad ng fuel subsidy, lalo’t hindi naman lahat ng nasa sektor ng transportasyon ang nakakatanggap nito.
Sa halip, sinabi ni Perez na dapat umanong pagtuunan ng pansin ang mas malawak na reporma sa industriya ng langis at ang mas maayos na pamamahala sa mga lokal na oil reserve sa bansa tulad ng sa bayan ng Alegria Cebu.
Binigyang-diin din nito na mahalagang agarang aksyunan ng pamahalaan at ng LTFRB ang kanilang nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe, lalo na kung tuluyang sumirit ang presyo ng produktong petrolyo.
Aniya, higit na maaapektuhan ang mga tsuper at maliliit na operator na may nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa krudo.















