-- Advertisements --

TEHRAN — Mariing tinanggihan ni Iranian President Masoud Pezeshkian ang panawagan ng Washington para sa “unconditional surrender.”

Sa gitna ito ng lumalalang digmaan sa pagitan ng Iran, Estados Unidos, at Israel.

Sa isang talumpati na ipinalabas sa Iranian state television ngayong Sabado, Marso 7, 2026, sinabi ng pangulo na ang hinihingi ng U.S. ay isang “panaginip na dapat baunin sa libingan.”

Nagising ang mga Iranian sa malalakas na pagsabog sa Tehran at iba pang lungsod habang nagpapatuloy ang malawakang opensiba ng U.S. at Israel.

Patuloy namang gumaganti ang Iran sa pamamagitan ng drone at missile strikes na tumatama sa mga target sa Israel at Gulf region. Sa Dubai, ilang pasahero ang napilitang magtago sa train tunnels dahil sa pangamba ng pag-atake.

Ayon sa mga ulat, si U.S. President Donald Trump ay naglabas ng pahayag sa Truth Social na walang magiging kasunduan sa Iran maliban sa kanilang “unconditional surrender.”

Kasabay nito, inanunsyo ng U.S. at Israel na lalo pang paiigtingin ang kanilang military operations laban sa Tehran.

Sa Lebanon, lumala rin ang sitwasyon matapos masangkot ang Hezbollah, na kaalyado ng Iran, sa palitan ng putok laban sa Israel.

Ayon sa UN refugee agency, nagiging “major humanitarian emergency” na ang kalagayan sa rehiyon.

Sa kasalukuyan, umabot na sa ikalawang linggo ang digmaan at wala pang nakikitang senyales ng pagtigil. Ang pagtanggi ni Pezeshkian ay nagpapakita ng determinasyon ng Iran na ipagpatuloy ang laban, sa kabila ng matinding pinsala at pagkamatay ng kanilang pinakamataas na lider, si Ayatollah Ali Khamenei, sa mga naunang airstrikes.