-- Advertisements --

Nanawagan si Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs na agad aksyunan ang aniya’y mga “pag-atake” ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa mga opisyal ng Pilipinas na nagtatanggol sa West Philippine Sea.

Sa isang liham kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, binanggit ng Senadora ang isang social media post ng embahada na inaakusa at tinutuligsa si Commodore Jay Tarriela, ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa WPS.

Kaugnay nito, hiniling ng mambabatas na linawin ng DFA kung may ginawa itong hakbang laban sa embahada at kung ang ganitong kilos ay ayon sa Vienna Convention on Diplomatic Relations.

Saad ni Hontiveros na binabastos na nga ng China ang ating karagatan, binabastos pa ang ating mga opisyal. Hindi dapat aniya pahintulutan ang Chinese Embassy na bastusin ang mga lingkod-bayan ng ating bansa.

Binanggit din ng Senadora na ang Philippine foreign service ay palaging naniniwala na ang mga alitan sa pagitan ng mga bansa ay dapat lutasin sa diplomatikong paraan, at hindi sa pamamagitan ng public pressure sa mga opisyal.